Protocols tuwing may kalamidad, nais malaman ng Kamara
Ipinasisilip ni Speaker Lord Allan Velasco sa mga komiteng nag-iimbestiga sa sanhi ng pagbaha sa lalawigan ng Cagayan at Isabela noong manalasa ang Bagyong Ulysses ang umiiral na protocols sa tuwing mayroong kalamidad.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food at Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle, sinabi ni Velasco, may-akda ng House Resolution No. 1345, na mahalagang matukoy kung “act of man” ang pagbaha sa Cagayan Valley.
Aniya, mahalagang matukoy sa imbestigasyon kung ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam ay nagpalala sa epekto ng climate change.
Mainam aniya na masilip kung tama ang protocols na sinunod ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pati na rin ng mga local government unit bago pa man tumama sa lupa ang Bagyong Ulysses.
Iginiit naman ni Minority Leader Joseph Stephen Paduano na panagutin ang mga dapat managot.
Si BHW party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, may-akda ng House Resolution No. 1348, ay nais namang makabuo ng konkretong solusyon para maiwasang mangyari sa ibang lugar sa bansa ang dinanas ng Cagayan Valley.
Base sa latest data ng NDRRMC, kabuuang 4,079,739 katao o 995,476 pamilya sa 6,644 barangays sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, National Capital Region, at Cordillera Administrative Region ang apektado ng Bagyong Ulysses.
Aabot sa 73 ang napaulat na nasawi at 69 naman ang sugatan.
Sa tala ng NDRRMC, 19 katao pa ang patuloy pa ring hinahanap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.