Ang pag-upgrade sa mga depot equipment ng MRT-3 ay bahagi ng malawakang rehabilitasyon ng MRT-3 na isinasagawa ng maintenance provider nito na Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries.
Kabilang sa mga nai-upgrade na ay ang mga balancing machine, wheel press machine, rerailing equipment, vertical storage, carbon filter box at pressure washer.
Ginagamit ang balancing machine upang matiyak na balanse ang pag-ikot ng armature ng traction motor ng tren.
Samantala, ginagamit naman ang wheel press machine upang i-mount at i-dismount ang mga gulong ng tren.
Sa kabilang banda, ginagamit naman ang rerailing equipment upang maibalik sa riles ang mga gulong ng tren kung sakaling magkaroon ng derailing sa linya.
Nilalagakan naman ng mga electrical at electronic parts at equipment ang vertical storage.
Upang maiwasan naman ang pagkakaroon ng hazardous fumes, gaya ng alikabok at mga kemikal na nanggagaling sa painting booth, pinalitan na ang lumang carbon filter box.
Ginagamit naman ang pressure washer upang linisin ang mga airconditioning units sa loob ng tren.
Matatandaan na nakapag-install na rin ng mga bagong CCTV cameras, platform monitors at signal lights sa mga istasyon ng rail line.