Panukalang Bayanihan 3, inihain na sa Kamara

Inihain na ng ilang lider ng Mababang Kapulungan ang kanilang bersyon ng Bayanihan 3 na naglalayong muling pasiglahin ang ekonomiya ng bansa at makapagbigay ng emergency aid sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo.

Sa ilalim ng House Bill No. 8059 o ang “Bayanihan to Rebuild As One Act” na inihain nina nina House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, Deputy Speaker Sharon Garin, at House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda, nagkakahalaga ng P247 bilyon ang inilalaan na alokasyon para sa emergency response at economic programs sa ilalim ng panukala.

Ayon kay Salceda, co-chair ng House Economic Stimulus and Recovery Cluster, layon ng panukalang batas na ito na matiyak na ang national at local government units ay makakilos at makabangon sa harap ng epekto ng mga nagdaang bagyo at mabagal na recovery sa third quarter ng taon sa gitna ng COVID-19 pademic.

Nakasaad sa panukala na P20 bilyon ang alokasyon na inilalaan para sa pagbili ng mga bakuna, pagtatag ng vaccine committee at sa pagtitiyak na sapat ang health supplies.

Aabot naman ng P40 bilyon ang local government support fund para sa calamity response; P100 bilyon para sa health at resilency related infrastructure programs; at P10 bilyon para sa assistance programs sa agriculture at fisheries sector.

Ang alokasyon naman para sa rent financing ay aabot ng P7 bilyon; P10 bilyon sa mga kompanyang uutang para bayaran ang 13 month pay benefits ng kanilang mga manggagawa; P10 bilyon para sa Tulong Para sa Displaced workers (TUPAD); P10 bilyon para sa Covid Assistance Measures Program (CAMP); P 10 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS); P10 bilyon para sa Medical Assistance for Indigents Program (MAIP); P5 bilyon para sa TESDA at CHED; at P10 bilyon para naman sa programa ng DepEd.

Bagama’t may agam-agam ang Executive Branch na gumastos pa para sa COVID-19 response, naniniwala si Salceda na kailangan ang ikatlong stimulus program upang sa gayon ay hindi lubhang lumubog ang ekonomiya ng bansa dahil mahirap nang bumangon kung maraming mga negosyo ang sarado na.

Nauna nang naghain ng kanyang bersyon ng Bayanihan 3 si Marikina City Rep. Stella Quimbo.

Sa kanyang inihaing House Bill No. 8031, P400 bilyon ang inilalaang alokasyon para sa mga programang makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng pandemya.

Read more...