Amihan, Tail-end of a Frontal System nakakaapekto pa rin sa ilang bahagi ng bansa

Photo credit: DOST PAGASA website

Patuloy na umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan at Tail-end of a Frontal System sa ilang parte ng bansa.

Sinabi ni PAGASA weather specialist Joey Figuracion na nakakaapekto ang Northeast Monsoon o Amihan partikular sa bahagi ng Northern at Central Luzon.

Sa Lunes ng gabi, November 23, asahan namang makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa bahagi ng Bicol region, Visayas, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula at Caraga bunsod ng Tail-end of a Frontal System.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, sinabi ni Figuracion na magiging maayos o maaliwalas ang lagay ng panahon.

Ngunit, posible aniyang magkaroon ng pulo-pulong mahihinang pag-ulan dulot ng Amihan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos region at Central Luzon.

Ang mararanasan namang isolated rainshowers sa nalalabing bahagi ng bansa ay dulot naman ng localized thunderstorms.

Tiniyak pa ng weather bureau na walang namamataang sama ng panahon na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsiblity (PAR) sa susunod na tatlo hanggang apat na araw.

Read more...