Tugade, ipinag-utos ang pagsusumite ng SALN ng mga opisyal sa DOTr

By Angellic Jordan November 22, 2020 - 03:40 PM

Suportado ng Department of Transportation (DOTr) ang kampanya ng gobyerno laban sa korupsyon sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Noon Oktubre, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) na pangunahan ang “mega” task force na mag-iimbestiga sa posibleng korupsyon sa mga ahensya ng gobyerno.

Sinabi ng pangulo na gagawin ito ng DOJ-led task force hanggang sa matapos ang kaniyang termino sa June 30, 2022.

Kasunod nito, nagbaba na ng direktiba si Transportation Secretary Arthur Tugade sa lahat ng pinuno ng mga departamento at iba pang DOTr officials na isumite ang kanilang individual Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN) sa DOJ-led task force.

Kasama rito ang mga chief-of-staff ng mga opisyal, secretaries, executive assistants na sangkot sa project management and procurement.

Ayon sa kalihim, nagtalaga na siya ng grupo na mangongolekta at magre-review ng SALNs ng lahat ng opisyal ng kagawaran.

“Sabi ko ikumpara ‘yun at ipakita at sabihin sa akin kung meron silang nakikitang dapat bigyang pansin,” pahayag ni Tugade.

“Makikiisa kami d’yan sa mega task force. Nag-meeting na kami (at susundin namin ang) requirement ng PACC (Presidential Anti-Corruption Commission) para sa ganon, maipakita na kaisa kami dun sa pagwalis at pag-address ng corruption sa gobyerno,” dagdag pa nito.

Samantala, ikinatuwa naman ni Tugade na hindi kabilang ang DOTr sa mga tinukoy ng pangulo na limang pinaka-problemang ahensya ng gobyerno sa bansa.

TAGS: DOH mega task force against corruption, Inquirer News, President Duterte on corruption issues, Radyo Inquirer news, Sec. Arthur Tugade, DOH mega task force against corruption, Inquirer News, President Duterte on corruption issues, Radyo Inquirer news, Sec. Arthur Tugade

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.