Preparasyon, koordinasyon malaking tulong sa pagtugon sa nagdaang mga bagyo – Sen. Bong Go
Nagbigay pugay si Senator Christopher “Bong” Go sa local government officials sa mga lugar na matinding sinalanta ng mga nakalipas na bagyo dahil sa kanilang paghahanda at koordinasyon na nagresulta sa mababang bilang ng mga namatay sa kalamidad.
Sa panayam sa kanya matapos ang pamamahagi ng ayuda sa mga biktima ng bagyo sa
Rizal, Sabi ni Go na ang local officials ay may sapat na karanasan at mekanismo na nakalatag kung paano tutugunan ang mga sakuna, kumpara sa mga nakalipas na mga taon at sa kabila ng serye ng mga bagyo.
“Unang-una, kinokomenda ko ang mga LGUs natin dahil handa sila sa panahong ito, unlike before na nangangapa pa tayo. Ngayon, pinaghahandaan nang husto ng LGUs ang mga bagyo at sakuna,” saad ni Go.
Tinukoy naman nito ang nangyaring malawakang pagbaha sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela na sanhi ng pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam, paliwanag ni Go, “Sabi ng PAGASA ay 15% lang po mula sa dam, 85% po mula sa bagyo dahil talagang hindi natin kontrolado ang ulan.”
“I commend the LGUs po sa effort nila na maghanda, lalo na po ang pag-evacuate bago pa dumating ang pagtaas ng tubig,” dagdag niya.
Nang tanungin naman kung kinakailangan ba ang pagbuo ng
fact-finding committee para imbestigahan ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam na sumasalo ng tubig-ulan, sabi ni Go na ang naturang desisyon ay nakasalalay sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng concerned authorities.
Gayunman, sinabi din nito na mas nanaisin niyang ituon na lamang ang atensiyon sa pagtulong sa mga apektadong residente upang agad silang makabangon at gawin mas matatag ang mga komunidad sa pagpapatayo ng mas matitibay na istruktura.
Bagaman patuloy na umuunlad ang pagtugon ng gobyerno pagdating sa disaster preparedness and response, ay may kailangan pa rin aniya isipin ang long-term upang maibsan at mabawasan ang panganib sa mga dumarating na sakuna.
“Dito papasok ang Task Force sa recovery and rehab. May klaro itong mandato at kapasidad upang maimplementa ang mga programa hanggang makabangon muli ang ating mga kababayan. Hindi ito titigil hanggang matapos ang trabaho,” pagliwanag ni Go.
Binigyang-diin din ng senador na consistent ang Pangulong Duterte sa kanyang top marching orders sa concerned agencies na agad na asistehan ang lahat ng apektadong Pilipino, gamitin ang lahat ng available resources para manumbalik sa normal ang sitwasyon sa lalong madaling panahon, at i-mobilize ang buong gobyerno para sa holistic approach tungo sa recovery at rehabilitation.
“Ang dapat gawin natin ngayon ay kung paano po maka-recover ang ating mga kababayan, lalo na po ang mga tinamaan tulad ng Catanduanes at Cagayan Valley. Nandiyan ang task force, pwede nilang umpisahan ang rehabilitation efforts at makikita nila doon kung ano talaga ang pagkukulang ng gobyerno,”dagdag pa nito.
Samantala, sinabi ni Go na ipinaliwanag na niya sa Pangulo ang konstruksiyon ng mandatory evacuation centers sa buong bansa sa dahilan na hindi sapat ang kasalukuyang mga istruktura.
Malaki aniya ang maitutulong ng mandatory evacuation center sa pamahalaan para hindi na gamitin ang mga paaralan bilang disaster shelters.
“Kagaya nito, nagagamit ang mga eskwelahan, paano kung may klase, saan sila ilalagay? Huwag na natin antayin na may panibagong kalamidad pa na dumating, umaksyon na tayo agad dahil buhay ng mga Pilipino ang nakasalalay dito,” wika ni Go.
Nuong nakaraang taon ay inihain ni Go ang Senate Bill No. 1228 na magtatatag ng evacuation center sa kada lungsod, munisipalidad at lalawigan sa buong bansa.
“Dapat may komportableng higaan ang mga bata, hindi magkakasakit, may comfort room sila at may maayos na sanitation. Hindi lang dapat ito lugar na pansamantalang masisilungan, ito dapat ay lugar na mapoprotektahan sila, maaalagaan sila, at matutulungan silang makabangon muli,” saad nito.
Samantala, sa kanyang pagbisita sa mga biktima ng bagyo sa Rizal, sabi ni Go na magkakaloob ang National Housing Authority ng ayuda sa mga apektadong residente kung nanaisin nila ang relokasyon o muling maipatayo ang kanilang bahay.
“Magbibigay ng pambili ng housing materials at sino naman po ang gustong lumipat ng bahay, merong murang pabahay sa Rizal,” Wika ni Go.
“Pwede rin po nilang i-avail ‘yan dahil talagang medyo delikado po ang kanilang lugar tuwing merong baha at sunod sunod na bagyo tulad nang nangyari,” pagtatapos nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.