Pahayag ito ni Go matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na uunahing bigyan ng bakuna ang mga mahihirap.
Ayon kay Go, chairman ng Senate Health and Demography Committee, kailangang mabigyan ng garantiya na ligtas at epektibo ang bakuna.
“Siguraduhin nating magkaroon ng access ang mga pinaka-nangangailangan, lalo na ang mga mahihirap at vulnerable sectors. Sila ang kailangan lumabas at magtrabaho upang buhayin ang pamilya nila,” pahayag ni Go.
Sapat aniya ang pondo ng pamahalaan para sa pagbili ng bakuna.
Pinatututukan din ni Go ang pagpapatupad ng nationwide information at education campaign kaugnay sa vaccination plan.
“Huwag nating pabayaan ang mga ordinaryong Pilipino. Bigyan rin dapat ng tamang impormasyon ang publiko ukol dito para maiwasan ang pagkalat ng fake news,” pahayag ni Go.
“Hindi lang naman ito usapin ng pagkakaroon ng bakuna. Kailangang paghandaan din ang storage, logistics and transportation ng mga bakunang ito. Mahalaga na nakakaabot ang mga ito mga dapat makatanggap — kasama na dyan ang mga frontliners at mga kababayan natin sa iba’t ibang parte ng bansa,” pahayag ng Senador.
Matatandaang inihayag ng Moderna at Pfizer na mataas ang efficacy rate ng kanilang bakuna.