AMLC, may pinagtatakpan ayon kay Atty. Topacio
Inakusahan ng abogado ni Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) branch manager Maia Deguito ang Anti-Money Laundering Council ng kapabayaan, o ng pagiging sangkot sa cover-up nang sampahan nila ng kaso ang kaniyang kilyente.
Ang tinutukoy ni Atty. Ferdinand Topacio ay ang money-laundering case na isinampa ng AMLC sa Department of Justice (DOJ) noong nakaraang linggo, na dahilan kung bakit hindi makapagbigay ng mga detalye si Deguito tungkol sa mga pangyayari.
Giit ni Topacio, handa si Deguito na ilabas ang kaniyang mga nalalaman, ngunit dahil sa kasong ito, kinailangan niyang igiit ang kaniyang karapatan na manahimik, pati na ang kaniyang right against self-incrimination.
Ayon kay Topacio, mayroong conspiracy sa kasong ito na kinasasangkutan ng mga mayayaman, makapangyarihan at ma-impluwensyang mga indibidwal.
Gayunman, naniniwala aniya sila na walang palulusutin ang Senado sa kanilang imbestigasyon anumang estado o posisyon ng isang tao sa banking community at sa lipunan.
Ani Topacio, lumalabas na mistulang pinagtatakpan ng AMLC ang ilang opisyal ng bangko.
Ngunit, pumalag naman ang abogado ni RCBC president Lorenzo Tan na si Atty. Francis Lim, at sinabing si Deguito ang siyang nagtatakip sa kaniyang mga ginawa bilang branch manager ng bangko.
Ang nasabing kaso rin ang nagtulak kina Topacio at Deguito na humiling ng executive session dahil kapag naroon ang media at ang mga kinatawan ng AMLC, maaring gamitin laban sa kaniya ang mga bibitiwan niyang pahayag sa ilalim ng panunumpa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.