Isa ang napaulat na namatay at may apat pa ang nasugatan nang mabagsakan ng tinatawag na steel girder mula sa Skyway Extension ang limang sasakyan sa East Service Road ng at-grade section sa Barangay Cupang sa Muntinlupa.
Sa video ni Jhon Lloyd Camero, mapapanood na may naipit na sakay ng nabagsakan ng girder na puting van at maririnig na may nagsasabing buhay pa ang biktima.
Sa harapan ng van ay may isa pang nakabulagta na sakay ng motorsiklo at may maririnig na umiiyak at pinagsasabihan ang biltima na huwag bibigay.
Nasa video rin ang nabagsakan na tax at isang AUV at pinagsusumikapan ng mga unang rumesponde na mailabas ang biktima at pinagsasabihan din na lumaban para sa kanyang buhay at parating na ang rescue units.
Sa paunang pahayag ng EEI Corporation, ang contractor ng proyekto, ipinoposisyon ang crane nang tumagilid iyo at tinamaan ang nakalatag na steel girder, na bumagsak naman sa ibaba.
Sa isa pang video mula kay Maricris Alberto, mapapanood na nagmintis ang girder sa iba pang sasakyan na patungo sa direksyon ng Alabang.
At mapapansin din na ilang metro na lang ay maaaring nabagsakan din ang hilera ng mga bahay sa gilid ng East Service Road.
Ang mga sugatan ay agad naisugod sa Asian Hospital and Medical Center.
Nangako na ang EEI na susuriin muli ang kanilang protocols at nagpalabas na rin ito ng mensahe ng pakikiramay sa mga biktima.
Inaasahan na dahil sa aksidente, muling maaantala ang pagtatapos sa proyekto na unang itinakda sa Disyembre.