Tweet ni Gov. Escudero tungkol sa hindi napapasweldong nurses iniimbestigahan na ng DOH

Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang reklamo ni Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero tungkol sa hindi pagsweldo ng 9 sa 11 mga nurse na naka-deploy sa lalawigan.

Ayon kay DOH Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire, hindi ipinagsasawalang-bahala ng ahensya ang ganitong mga reklamo.

Ayaw na ayaw aniya ng DOH na mayroong na-aagrabyado sa mga ginagawang aksyon ngayong panahon ng pandemya.

Sinabi ni Vergiere na nais ng DOH na mabigyan ng kaukulang bayad ang lahat ng nagtatrabaho gayundin ang kanilang benepisyo.

Noong Huwebes, nag-tweet si Escudero at nanawagan sa DOH dahil sa mga hindi napapasweldong nurse.

Sinabi ni Escudero na mayroong 11 nurse na idineploy ng DOH sa Sorsogon at dalawa lang ang tumanggap ng sweldo sa loob ng dalawang buwan lang mula sa limang buwan nilang pagtatrabaho.

Ayon kay Vergeire nakikipag-usap na sila sa regional director at finance officers tungkol sa isyu.

 

 

 

Read more...