Pamamahagi ng relief packs sa Cagayan, tuloy pa rin
Tuluy-tuloy pa rin ang kaliwa’t kanang pamimigay ng relief packs ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office sa mga apektadong residente sa Cagayan dahil sa pagbaha.
Ayon sa Cagayan Public Information Office, aabot sa 14,343 ang relief packs na target ibigay sa 14 na bayan sa probinsya sa araw ng Huwebes, November 19.
Kabilang dito ang mga bayan ng Solana, Baggao, Amulung, Alcala, Aparri, Enrile, Gattaran, Lal-lo, Sto. Nino, Camalaniugan, Iguig, Lasam, Allacapan at Tuguegarao City.
Bawat bayan ay tatanggap ng tig-1,000 relief packs maliban sa bayan ng Baggao kung saan 1,343 relief packs ang ibinaba.
Ang 343 sa ayuda sa Baggao ay ipinamahagi sa pamamagitan ng Aerial Relief Operation ng Philippine Air Force (PAF).
Naabot din ng Aerial Relief Operation ng PAF ang mga mamamayang nasa isolated areas na nakatira sa tabi ng Ilog Cagayan.
Ang mga ibinigay na ayuda ay mula sa Kapitolyo ng Cagayan at sa mga donasyon mula sa Provincial Government ng Pampanga at Toyota Tuguegarao Branch.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.