Sa panayam ng Radyo INQUIRER, sinabi ni Manila water Manila Water Corporate Communications Head Jeric Sevilla, maayos ang suplay ng tubig sa East Zone at hindi sila gaanong apektado ng turbidity.
Paliwanag ni Sevilla, nasasala sa La Mesa Dam ang tubig na galing sa Angat dam bago magpunta sa kanilang planta.
Bagaman normal ang suplay ng tubig, masyadong mataas aniya ang demand ng tubig sa mga binahang lugar sa Marikina, San Mateo at Rodriguez.
Ito ay dahil sa naglilinis pa rin ng gamit at bahay ang mga binahang residente.
Dahil dito, sa matataas na mga lugar ay bumababa ang pressure o nawawalan sila ng suplay.
Siniguro naman ni Sevilla na naiaanunsyo ng Manila Water kung mayroong service interruption na ipatutupad sa ilang mga lugar.