“Kumusta kayo? Alam ninyo, alam ko pong nahihirapan kayo sa ating sitwasyon ngayon. Dala-dalawa ang problema natin. Meron tayong pandemya, meron tayong baha. Pero konting tiis lang po, mga kababayan ko. Magtulungan lang tayo. Alam ko, itong mga pagsubok na dinadaanan natin ngayon, malalampasan natin ito kung magbabayanihan tayo at magmamalasakit sa kapwa,” Sabi ni Go.
Mga pagkain, gamot, damit, tubig, sapatos at maging bisekleta at tablet, para sa mga estudyante ang ipinamahagi ni Sen. Bong Go.
Ang lahat ng distribution activities ay isinagawa sa kani-kanilang respektibong evacuation sites.
Siniguro naman ni Go at kanyang team na nasusunod ang kinakailangang health at safety protocols para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng coronavirus disease.
“Pakiusap lang po, itong vitamins na dala ko, inumin n’yo po ito. Pampalakas po ito ng resistensya ninyo. Alam ninyo, pag malakas ang resistensya n’yo, mas maiiwasan ang pagkahawa ng sakit na COVID-19,” paalala ng senador.
“Pakiusap ko lang din po na suotin ninyo itong mga masks at face shields dahil delikado pa ang panahon. At sumunod tayo sa social distancing. Kung hindi po kailangan, huwag munang lumabas ng pamamahay, hugas ng kamay,” dagdag pa nito.
Siniguro naman ni Go sa mga biktima ng bagyo na puspusan ang pagsusumikap ng gobyerno para tulungan ang mga nasalanta ng kalamidad at ito ay nakapaloob sa disaster management, response, rescue operations at relief aid distributions.
“Ginagawa po ng gobyerno ang lahat para sa inyo. Ang ginagawa ng Pangulo, sinisigurado at ipinagbibilin niya sa lahat ng ahensya ng gobyerno para tugunan kaagad ang inyong pangangailangan,” wika ng senador.
“Huwag po kayong mag-alala, nandidito po ang gobyerno para tumulong sa inyo at samahan kayong makaahon mula sa krisis na ito. Hindi po namin kayo pababayaan,” dagdag pa nito.
Kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI), at Marikina City Local Government, nabigyan ng tulong ang mahigit 2,000 pamilya na nasa Hermogenes Bautista Elementary School, sa Brgy. Concepcion 1.
Namahagi ang mga kinatawan ng DSWD ng food packs at hiwalay na financial assistance. Ang PCSO naman ay nagbigay ng mga medisina, diapers sa mga may sanggol at food packs.
Nangako naman ang National Housing Authority na tutulong sila para muling maitatag ang mga nasirang bahay sa kanilang mga benepisyaryo.
Nagdaos din ng assessment at validation ang Department of Trade and Industry sa mga benepisyaryo na maaring makakuha ng kanilang existing livelihood start-up and training programs.
Sako-sakong bigas naman at sardinas ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture, habang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation naman ay nagbigay ng hiwalay na financial assistance, food packs at scholarships.
Ang Technical Education and Skills Development Authority ay namahagi din ng food packs at mga tinapay.
“Iisa ang gobyerno natin kaya dapat iisa ang galaw at direksyon natin patungo sa pagkakaroon ng mas matatag na mga komunidad,” wika ni Go.
“Kung ano pa pong pwede naming maitulong sa inyo, huwag ho kayong mag-atubiling lumapit sa amin dahil trabaho po namin ang magserbisyo sa inyo,” pagtatapos ng senador.