Pagdinig ukol sa malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela, itinakda na ng Kamara

Photo credit: Sen. Bong Go

Sa susunod na linggo na sisimulan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang imbestigasyon kaugnay sa malawakang pagbaha at sinasabing iresponsableng pagbubukas ng dams na nagpalubog sa maraming lugar sa kasagsagan ng bagyong Ulysses.

Ayon kay Committee on Agriculture and Food Chairman Wilfrido Mark Enverga, itinakda nila sa araw ng Martes ang imbestigasyon sa matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela gayundin ang pagpapakawala ng tubig sa mga dam at iregular na aktibidad sa Marikina watershed na itinuturong dahilan ng paglubog ng ilang lungsod sa Metro Manila at kalapit na probinsya.

Tiniyak ni Enverga na papanagutin kung sinuman ang responsable sa nangyaring malawakang pagbaha na ikinasawi ng 67 katao at ikinasira ng maraming ari-arian at kabuhayan.

Nais umano nilang makuha sa gagawing pagsisiyasat ang kumpletong detalye sa nangyaring pagbaha dahil magkakaiba ang pahayag ng LGUs at ng National Irrigation Administration (NIA).

Umaasa si Enverga na bago ang Christmas break ng Kongreso ay magkaroon na ng kalinawan ang imbestigasyon sa nangyaring trahedya sa gitna ng malakas na bagyo.

Read more...