Sa mga gumagamit ng social media na mahilig ipangalandakan ang bawat kilos, galaw at maging mga binabalak ngayong paparating na bakasyon may payo ang Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP Spokesman PCSupt Wilben Mayor, kung maaari ay mag-preno sa pagpo- post ng mga larawan, aktibidad at higit sa lahat, impormasyon hinggil sa lokasyon ngayong papasok na lenten season vacation.
Ani Mayor, sa sandaling maisapubliko na ang itinerary sa pamamagitan ng social media, dito na magkakaroon ng ideya ang mga kawatan kung sino at anong bahay ang posible nilang tatargetin.
Payo ni Mayor, huwag na lang sana ipabatid sa buong mundo sa pamamagitan ng FB, instagram o twitter ang anumang plano para sa bakasyon sa susunod na linggo dahil wala umanong itinuturing na day-off ang mga kawatan.
Maliban dito, di rin umano uso sa mga kriminal ang pagtitika kaya tiyak na sasalisi ang mga ito habang ang karamihan ay nasa kani-kanilang mga lalawigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
