Agarang pag-roll out ng COVID-19 vaccine plan, dapat nang simulan ng gobyerno

Hinimok ni Manila Rep. Benny Abante ang pamahalaan para sa agarang roll out ng COVID-19 vaccine plan sa oras na maging available na ito sa bansa.

Ayon kay Abante, ngayon pa lamang ay dapat inuumpisahan na ng pamahalaan ang konsultasyon sa medical experts at LGUs para malaman kung ano ang uunahin, ilang government health workers ang gagamitin sa programa, pag-tap sa private sector at pag-o-organisa ng volunteer doctors.

Inirekomenda nito sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) at sa Department of Health (DOH) ang paglalatag ng protocols kaugnay sa distribusyon ng bakuna at tukuyin na agad kung aling sektor at lugar ang dapat na iprayoridad sa pagbabakuna.

Hindi aniya dapat patagalin ng isang linggo o kahit isang buwan ang roll-out ng vaccine kaya ngayon pa lamang ay dapat may detalyadong plano na kung papaano mapapangasiwaan ang pagbabakuna laban sa virus infection.

Aniya pa, mawawalang saysay ang pondong inilaan agad sa COVID-19 vaccine kung wala namang sistema sa maayos na roll-out nito.

Read more...