Malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela isinisi sa black sand mining

Isinisi ng isang peasant group sa talamak na black sand mining na isa sa dahilan sa dinanas na “worst flood” sa Cagayan at Isabela sa pananalasa ng bagyong Ulysses. Ayon sa grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) maliban sa black sand mining, talamak din ang illegal at legal logging sa lalawigan kaya hindi na nakapagtataka na ngayon nararanasan ang epekto nito.

Wala umanong dapat na sisihin sa paglubong ng Cagayan at Isabela kundi ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagbibigay permit sa ganitong operasyon na may pag-apruba din mula sa local na pamahalaan kapalit ng malaking kita.

Sinabi ni KMP President Danilo Ramos na matagal nang ipinanawagan ng mga mangingisda ang dredging sa Cagayan River subalit hindi ito binibigyang pansin at ngayong nagkaroon na ng pagbaha saka nakita ang kahalagayan nito at ipinag-utos na ng DENR ang dredging sa may 30km Cagayan River.

Hiniling ng grupo na kasabay ng gagawing dredging ay magkaroon ng batas para sa tuluyang pagbabawal ng black sand mining gayundin ang legal logging.

Ang Black sand mining ay tinuturing na legal basta lamang maisyuhan ng permit, wala pang batas na ipinagbabawal ito at tanging limitasyon nito sa Mining Act ay hindi dapat gawin ang dredging sa mga reservoirs at protective areas subalit dahil sa epekto nito sa kalikasan ay naghigpit ang Mines and Geosciences Bureau sa pag-iisyu ng permit simula pa noong 2014 na nagresulta naman sa illegal na black sand mining.

Inamin ni Ramos na bagamat naghigpit sa black sand mining ay marami pa rin silang nakikitang mga Chinese vessel na nagsasagawa nito at ikinukubli ang illegal na operasyon sa dredging, ibinunyag pa nito na mismong mga kawani pa ng LGUs ang kanilang nakikitang nagbabantay sa mga Chinese vessel.

Sinasabing nasa $50M o P2.6B kada buwan ang kinikita ng mga contractor sa Black sand mining sa Cagayan, ang Black sand ay ginagamit na stabilizer sa concrete at steel products gayundin ay ginagamit ito sa mga alahas at cosmetics manufacturing, ang Hongkong ang isa sa bansang maly malaking pangangailangan sa black sand.

Bagaman malaki ang kita sa black sand ay malaki naman ang epekto nito sa kalikasan pangunahin na sa pagkawala ng fishery resources, erosion ng lupa at pagbaha kaya naman sa inihaing Senate Bill 1075 ni Sen Leila de Lima ay hinihiling nito ang total ban sa black sand mining.

Una nang ibinabala ni De Lima na ang Cagayan ay maaaring malubong sa baha sa loob ng 30 hanggang 70 taon bilang epekto ng black sand mining kung hindi ito tuluyang ititigil.

Sa mga nakalipas na taon ay nakapagsagawa na ang Kamara at Senado ng imbestigasyon ukol sa Black Sand Mining sa Cagayan subalit wala namang naparusahan dito, kaya naman apela ni Ramos sa liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco na isama sa kanilang ginagawang House Inquiry sa dahilan ng massive flooding na naranasan sa Bagyong Ulysses ang usapin ng illegal logging, lllegal mining at black sand mining.

Giit ng KMP, kung hindi isasama ang illegal na mining at logging sa imbestigasyon ng Kamara ay mababalewala lamang at lalabas na moro moro ang Hosue Inquiry nito dahil hindi mareresolba ang ugat ng problema sa Cagayan.

“Comprehensive investigation ang dapat na gawin ng Kamara, dapat matapang nilang silipin ang mga nasa likod ng illegal logging at black sand mining na syang talamak sa Cagayan, dahil ito ang syang problema at dahilan ng paglubong ng lalawigan” pagtatapos pa ni Ramos.

 

 

 

Read more...