Resolusyon upang kilalanin ang mga tinaguriang bayani ng mga bagyo inihain sa Kamara
Isinusulong ni Las Piñas City Rep. Camille Villar na bigyan ng pagkilala ang mga bayani sa gitna ng sunud-sunod na bagyong humagupit sa bansa.
Base sa inihaing House Resolution 1354 ni Villar, nais nito na mabigyan ng pagkilala at papuri dito ang mga first responders ng bagyo dahil sa pagsasabuhay ng Bayanihan at pagtulong sa mga kababayan.
Sa ilalim ng resolusyon, bibigyan ng pagkilala ang mga ‘men and women in uniform’, local government units, non-government organizations, private organizations at mga indibidwal na nagpamalas ng katangi-tanging pagtulong sa mga kababayan sa pamamagitan ng relief at rescue operations.
Paliwanag ng mambabatas, sa kabila aniya ng mga limitasyon at hamon sa water at air assets ng bansa ay nagawa ng mga myembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), mga ahensya ng gobyerno, LGUs, emergency workers at civilian authorities ang lahat ng makakaya para makapagligtas ng buhay at makatulong sa mga biktima ng kalamidad.
Kinikilala din sa resolusyon ang partisipasyon ng Philippine Red Cross (PRC) non government organizations, international humanitarian missions, at private individuals para sa patuloy na pagbibigay ng assistance at support sa mga sinalanta ng bagyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.