Sa kaniyang mga tweet, sinabi ni Robredo na hindi contest at hindi unahan ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo at iba pang matinding sakuna.
Kung mayroon aniyang sakuna, dapat ay tumutulong ang lahat.
“Sa panahon ng matinding sakuna, dapat lahat na tulong, welcome. Hindi ito contest. Hindi tayo nag uunahan. Lahat tayo dapat nagtutulong tulong para sa ating mga kababayan,” ayon kay Robredo.
Sagot ito ni Robredo matapos siyang sabihan ni Pangulong Duterte na huwag makipag-kumpetensya sa kaniya sa pagtugon sa kalamidad.
Nagtataka din si Robredo kung bakit siya ang pinagbibintangan ng pangulo na nagpakalat ng hashtag #NasaanAngPangulo.
Ayon kay Robredo kahit minsan ay hindi siya nagtanong kung nasaan ang pangulo kahit balikan pa aniya ang lahat ng kaniyang nagdaaang tweets.
Sinabi ni Robredo na si chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang nagpakalat ng fake news kaya ganoon na lamang kapikon sa kaniya ang presidente.
Ayon pa kay Robredo, ginawa lamang niya ang sa tingin niya ay nararapat na gawin sa mga humihingi ng tulong at nagpapa-rescue sa Cagayan at Isabela noong gabi ng Nov. 13 hanggang madaling araw ng Nov. 14.
Lahat aniya ng distress calls ay ipinasa lang ng OVP sa AFP at PNP dahil sila ang nasa ground.
At anumang updates na kanilang nakukuha ay ibinabahagi ito sa publiko.