“AFP,PNP, Coast Guard, Red Cross at DPWH, mga bayani sa nakaraang bagyo” – “WAG KANG PIKON!” ni Jake J. Maderazo

By Jake J. Maderazo November 18, 2020 - 05:53 AM

Kung merong pagkukulang ang “mainstream media” ngayong tinamaan tayo ng pitong sunud-sunod na bagyo, ito’y walang iba kundi ang kabiguan nilang hanapin ang mga kwento ng kabayanihan sa mga disaster areas.

Naalala ko noong Ondoy September 26, isang 18 yo construction worker si Muelmar Magallanes ng Bgy. Bagong Silangan, QC ay sumagip ng tatlumpung katao sa kasagsagan ng mataas na Marikina river na sa dakong huli ay sinampalad. Napakaraming nakiramay nang siya’y ilibing at di naglaon, siya y tinanghal na isa sa Time Magazine heroes of 2009.

Sa pagdaan nitong mga bagyong Ofel, Pepito, Quinta, Super Rolly, Siony, Tonyo at Ulysses, tila kakaunti ang mga nasagap na kabayanihan ng ating mga mamamahayag di tulad noong Ondoy at Yolanda sa Tacloban.

Sa halip lumutang ang kabayanihan ng mga taong gobyerno sa maseselang rescue operations sa maraming pagkakataon, tulad ng Philippine Coast Guard, AFP, PNP , Red Cross DPWH , katulong ang mga local government units. Kitang kita sa mga TV footages ang mga sundalo, pulis , coast guard at volunteers sa pagkuha sa mga na-trap sa mga bubong o kaya’y sa loob ng kanilang mga bahay.

Higit 11,000 residente sa binahang lugar sa Marikina Rizal, Maynila at Cavite ang niligtas ng Coast Guard habang pati mga helicopter ng Philippine air force 15th strike wing at 520th Air base Wing , ay ginamit sa pagsalba sa mga residente sa bubong. Nakita rin natin ang mga disaster relief teams ng Philippine navy sa Provident village, Barangka sa Marikina.

Sa Noveleta, Cavite, 48 katao ang sinalba ng hiwalay na Disaster response team unit (DRTU) sa mga bubong ng bahay nang biglang tumaas ang Ylang-ylang river.

Doon naman sa Infanta Quezon, isang pamilya na merong limang miyembro ang natabunan ng landslide sa kasagsagan ng bagyo. Sila’y nailigtas ng Army soldiers mula sa 2nd Infantry division.

Ang PNP ay nakakalat sa NCR, Cagayan valley, Central Luzon,, Calabarzon at Bicol. Nag-rescue sila ng 104,850 katao, ayon kay Director General Debold Sinas.

Mahirap ding kalimutan ang kabayanihan ng apat na tauhan ng DPWH 2nd district Engineering office QRT na nasawi habang nagsasagawa ng road clearing operations sa Sitio Nabito Viewpoint, Banawe Ifugao nang matabunan ng landslide Huwebes ng hapon.

Ang Philippine Red Cross naman ang unang nakarating sa Catanduanes, matapos hagupitin ni Supertyphoon Rolly. Nakita rin natin sila sa rescue operations sa Cagayan at Isabela maging sa Cavite at Metro Manila.

Sa totoo lamang, kung walang tulong ang AFP, PNP, COAST GUARD , RED CROSS at DPWH , hindi makakayanan ng mga LGU’s ang search, rescue, relief at rehabilitation efforts matapos ang pananalasa ng pitong magkakasunod na bagyo.

Totoo na marami pang kwento ng kabayanihan ang dapat maisapubliko sa dami ng mga napinsla ng sunud-sunod na bagyo. Gayunman, sa pagkakataong ito, siguro angkop lamang na pangaralan natin ang mga pinuno ng mga ahensyang ito sa ngalan ng mga natulungan nilang kababayan natin.

AFP Chief of Staff Gen. Gilberto Gapay, PNP Chief Gen.Debold Sinas, Philippine Coast Guard commandant Admiral George Ursabia, DPWH sec. Mark Villar at Philippine Red Cross President and senator Richard Gordon, mabuhay kayong lahat at maraming Salamat po!

TAGS: AFP, coast guard, DPWH, mga bayani, OfelPH, PepitoPH, PNP, QuintaPH, red cross, sionyph, Super RollyPH, TonyoPH, UlyssesPH, AFP, coast guard, DPWH, mga bayani, OfelPH, PepitoPH, PNP, QuintaPH, red cross, sionyph, Super RollyPH, TonyoPH, UlyssesPH

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.