RCBC bank manager idiniin ng mga kasamahan sa Senate probe

By Den Macaranas March 17, 2016 - 03:40 PM

Deguito1Pineke ng mismong bank manager ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) Jupiter branch ang pirma ni William So Go para palabasin na sa kanya ang hinahanap na $81Million na nagmula sa Bangladesh.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni RCBC Legal and Regulatory Group head Atty. Macel Fernandez-Estavillo na kumuha sila ng serbisyo ng isang signature verification company para pag-aralan ang lahat ng mga banking records sa kania ng isang nagngangalang William So Go at napatunayan nila na pineke ang pirma nito.

Itinuro ni Estavillo na si Deguito ang mismong nasa likod ng nasabing anomalya.

Sinabi rin ni Estavillo sa pagdinig ng Senado na may pagkakataon na ring inimbestigahan nila si Deguito dahil meron din itong pineke na pirma ng isa sa kanilang mga kliyente na naging dahilan ng pagkaka-withdraw ng P22.7Million.

Sa pagtatanong ni Sen. Juan Ponce Enrile kung totoo ang mga paratang sa kanya, tumanggi si Deguito na  magbigay ng pahayag sabay ang giit na magsasalita lamang siya sa isang executive session.

Sinabi rin ng naturang bank official na may kaso na siyang kinakaharap sa AMLC at pwede itong maka-apekto sa gagawing imbestigasyon sa kanya.

Ilang beses inulit ni Enrile na walang karapatan na magdikta si Deguito ng magiging panuntunan sa pagdinig pero iginiit ng bank manager na hindi siya magsasalita sa ginagawang pagdinig ng Senado.

Sa pagkakataong ito inirekomenda ni Enrile na isa-ilalim sa contempt si Deguito dahil sa pagtanggi nitong sabihin ang mga pangyayari.

Iginiit ni Enrile na karapatan ng publiko na marinig ang mga sasabihin ni Deguito dahil dito nakasalalay ang katatagan ng ating banking industry.

Nagkasundo naman ang mga miyembro ng blue ribbon committee na isalang sa executive session ang isyu at saka na lamang nila pag-uusapan kung dapat ba  itong ilabas o hindi sa publiko.

Pinayagan na sumaksi sa executive session ang Ambassador ng Bangladesh sa bansa.

TAGS: Bangladesh, Blue Ribbon, Deguito, Juan Ponce Enrile, RCBC, Bangladesh, Blue Ribbon, Deguito, Juan Ponce Enrile, RCBC

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.