Lalawigan ng Isabela at iba pang lugar na sinalanta ng bagyo hiniling ni Rep. Inno Dy na mapondohan
Humihiling si Isabela Rep. Faustino ‘Inno’ Dy ng dagdag na ayuda para sa kanilang lalawigan at iba pang lugar na matinding tinamaan ng kalamidad.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Dy na kailangan nila nang lahat ng tulong na maaari nilang makuha sa gobyerno o pribadong sektor man dahil sa lawak ng pinsala ng pagbaha sa kanilang nasasakupan.
Makikita naman anya sa ulat ng NDRRMC kung gaano kalawak ang pinsala ng kalamidad sa agrikultura, imprastraktura at mga ari-arian isama pa ang nawalang kabuhayan ng mga tao doon.
Binigyang diin ni Dy na bukod sa agarang tulong, umaapela ang mga kinatawan mula sa Isabela sa liderato ng Kamara na isaalang-alang ang kanilang lalawigan at iba pang probinsyang matinding napinsala sa final provisions ng 2021 national budget.
Umaasa anya silang mabibigyan ng alokasyon para matulungang makabangon at makabawi ang kanilang mga kababayan.
Gayundin, hinimok nito ang mga kasamahang mambabatas na pagtuunang-pansin ang pangmatagalan at science-based solutions sa natural calamities para maiwasan ang malawakang pinsala ng mga bagyo na taun-taong dumadaan sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.