Malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela, iimbestigahan ng Kamara
Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang resolusyon upang magsagawa ng imbestigasyon “in aid of legislation” sa dahilan nang matinding pagbaha na nagpalubog sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela.
Mismong sina Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano ang naghain ng House Resolution no. 1348 upang maimbestigahan ang biglaang pagbaha.
Ayon kay Velasco, kailangang agad na masuri ang mga ginawang hakbang bago at pagkatapos manalasa ang Bagyong Ulysses.
Ito’y sa harap ng patuloy na tumataas na bilang ng nasawi at sa lawak ng pinsala ng kalamidad sa mga nabanggit na lalawigan.
Kailangan anilang matingnan ang pagtugon ng bansa sa natural calamities at ang pangangailangan na maiwasang maulit ang ganitong sitwasyon.
Partikular na sisilipin sa gagawing pagsisiyasat ang mabilis na agos ng tubig mula sa dam gayundin kung mayroong hindi nasunod na batas o mga patakaran na naging sanhi ng pag-apaw ng Cagayan River.
Aalamin din ng Kamara kung tama ang naging desisyon ng National Irrigation Administration na magbukas ng spillway gates ng Magat Dam, at kung ginawa ito alinsunod sa itinakdang guidelines at protocols.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.