Ipinagagamit ni Albay Rep. Joey Salceda sa mga local government unit na hindi apektado ng kalamidad ang kanilang Local Disaster Risk Reduction Management Funds (LDRRMF) para sa mga biktima ng bagyo sa Cagayan at Isabela.
Sinabi ni Salceda na pinapayagan sa ilalim ng Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Reduction and Management Act na gamitin ang pondo na ito ng mga LGU para makatulong sa ibang komunidad.
Bukod dito ay itinutulak din ng kongresista na magkaroon ng isang national financing mechanism na magbibigay ng dagdag na pondo sa mga LGU na madalas tinatamaan ng bagyo.
Paliwanag ni Salceda, ang pondo para sa local disaster risk reduction ay 5 porsyento lamang ng total revenue ng LGU.
Natataon pa aniya na ang sinisira ng kalamidad ay mga lalawigan na maliliit lamang ang kita ng LGU habang ang mga lugar na may matataas na revenue ay kakaunti lamang o hindi masyadong apektado ng mga bagyo kaya hindi rin nagagamit ang pondo para sa disaster.
Inihirit din ng mambabatas ang pagkakaroon ng matatag na national disaster framework na kayang isaayos ang resources ng bansa kapag kinakailangan gayundin ang tuluyang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR).