Calamity fund sa ilalim ng 2021 budget, iginiit na madagdagan

Photo credit: Sen. Bong Go

Nais ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera na madagdagan ang budget para sa calamity fund.

Ayon kay Herrera, magpapadala siya ng liham sa mga kinatawan ng Kamara para sa bicameral conference committee sa 2021 national budget.

Kailangan aniya na mataas ang budget sa pagtugon sa kalamidad ng pamahalaan upang matiyak na mas magiging handa ang gobyerno.

Sa taong 2020 aniya ay 18 bagyo na ang dumaan sa bansa kung saan pinakahuli dito ang Bagyong Ulysses na nagdulot ng matinding pagbaha sa Metro Manila.

Naitala naman ang 382 na lindol sa taong 2020 kasama na dito ang dalawang magkahiwalay na 6.6 magnitude na lindol sa Davao Oriental noong June 4 at Masbate noong August 18.

Bukod sa mungkahing itaas ang pondo para sa kalamidad, hinimok muli ni Herrera ang Senado na aprubahan na ang Department of Disaster Resilience (DDR).

Hindi aniya dapat ipangamba ng mga senador ang pondo para sa DDR dahil manggagaling din sa mga ia-absorb na ahensya at tanggapan ang pondo para dito.

Malaki aniya ang maitutulong ng DDR na mabawasan ang pagkawala ng buhay at pinsala sa mga ari-arian tuwing may kalamidad kung may isang ahensya na tututok para sa pinaigting na disaster preparedness at epektibong paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan sa mga biktima ng kalamidad.

Read more...