UNA, pinabulaanan ang Philrem remittance ni VP Binay

By Kathleen Betina Aenlle March 17, 2016 - 04:47 AM

 

Mula sa inquirer.net

Iginiit ng United Nationalist Alliance (UNA) na pulos kasinungalingan ang report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa paggamit umano ni Vice President Jejomar Binay sa Philrem Service Corp. para sa pagre-remit ng kaniyang pera sa ibang bansa.

Matatandaang naging matunog ang pangalan ng Philrem matapos nitong masangkot sa $81 million money laundering ng pondong ninakaw mula sa Bangladesh central bank.

Ayon kay UNA president Toby Tiangco, labis na kaduda-duda ang laman ng sinasabing AMLC report, lalo na kung saan ito nanggaling at kung sino ang nagbigay nito sa Philippine Daily Inquirer.

Dahil dito, hinimok ni Tiangco ang AMLC na mag-komento na tungkol sa isyu na ito, dahil naniniwala silang pawang kasinungalingan at gawa-gawa lamang ang mga alegasyon na ito.

Ayon naman sa communication director ni VP Binay na si Joey Salgado, walang anumang naging transaksyon ang pangalawang pangulo sa Philrem.

Nilinaw rin ni Salgado na hindi kabilang si Binay sa law firm na Subido, Pagente, Certeza, Mendoza and Binay, tulad ng nakalagay sa nasabing report.

Gayunman, si Makati Rep. Abigail Binay na anak ng Bise Presidente, ay isang partner-on-leave ng nasabing law firm.

Ani Salgado, kliyente lamang si VP Binay ng naturang law firm at wala siyang anumang kinalaman sa mga transaksyon nito.

Muli namang nanawagan si Tiangco sa National Bureau of Investigation (NBI) na sinasabi nilang nasa likod ng pagpapakalat ng naturang AMLC report.

Bukod dito, umapela rin siya sa Inquirer na maging propesyonal at maging objective, dahil aniya, ang nasabing report ay isang “inaccurate and an example of opinionated and sensational reporting.”

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.