Nagdeklara na ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Marikina City.
Ito ay dahil sa lawak ng pinsala ng bagyong Ulysses.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Marikina Mayor Marcy Teodoro, sa ganitong paraan mabibigyan ng pagkakataon ang mga taga Marikina na makabawi sa hirap at pinsalang naranasan ng bagyo.
Maari kasi aniyang makapag avail ng calamity loan sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at Pag-IBIG.
Sa ganitong paraan din aniya, makapagpapatupad ang lokal na pamahalaan ng price control sa mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Mayor Teodoro, ngayong deklarado na ang state of calamity, maari nang magamit ng lokal na pamahalaan ang calamity funds para may maipang ayuda sa mga apektadong residente.
Suspendido rin ang online classes at distance learning sa lahat ng mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa Marikina, simula ngayong araw, November 13 hanggang sa araw ng martes, November 17.
Nakikiusap naman si mayor Teodoro sa mga taga Marikina na huwag mawalan ng pag asa sa gitna ng panibagong hamon sa buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.