Branch manager ng East West Bank, nadawit rin sa RCBC launder case

 

Mula sa Inquirer

Iniimbestigahan na ng East West Bank (EWB) ang alegasyon ng kanilang kliyente at negosyanteng si William Go tungkol sa umano’y pakikipagsabwatan ng isa sa kanilang mga branch managers kay Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) branch manager Maia Deguito.

Sa kaniyang pag-testimonya sa pagdinig sa Senado noong Martes, sinabi ni Go na isang Allan Peñalosa ang unang nag-imbita sa kaniya para makipag-kita kay Deguito at inalok pa siya kung gusto niyang kumita ng P200 million.

Ayon kay Go, hindi niya maipapaliwanag nang maayos ang mga detalye at tanging si Deguito lamang ang makakapag-paliwanag nito.

Aniya pa, ang nasabing pagkikita ay iisa rin sa kung saan inamin sa kaniya ni Deguito na ginamit niya ang pangalan ni Go para magbukas ng isang account, kasabay ng pag-aalok ng P10 million para lamang sakyan ang kaniyang ginagawang scheme.

Naganap umano ang pagkikitang ito noong February 23 sa Mary Grace restaurant sa Serendra, Bonifacio Global City.

Nang tanungin naman si Go kung ano ang kinalaman ni Peñalosa sa usaping ito, iginiit niya na wala siyang alam.

Dahil dito, nagpalabas ng pahayag ang EWB at nilinaw na wala silang alam tungkol sa kaugnayan ni Peñalosa na manager ng kanilang branch sa Burgos Circle, Bonifacio Global City, sa sinasabing pagkikita nina Go at Deguito.

Gayunman, tiniyak naman ng bangko na iimbestigahan nila ito, at gagawin nila kung anumang hakbang ang dapat nilang gawin alinsunod sa kanilang mga polisiya.

Ayon kay EWB president Antonio Moncupa Jr., isasama rin nila si Peñalosa sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw kaugnay pa rin sa $81 million money laundering scheme.

Read more...