“Gusto kong lumangoy!”
Pahayag ito ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos makita ang mga residente na na-trap sa bubong ng bahay dahil sa baha bunsod ng bagyong Ulysses.
Ayon sa Pangulo, nais niya sanang lumabas at mabisita ang mga nabiktima ng bagyo pero pinigilan siya ng Presidential Security Group (PSG).
“Gusto kong lumabas, gusto kong lumangoy. Matagal na akong hindi naligo eh kaya lang ayaw nitong mga sundalo ,sila ang ayaw gustong maligo, ibig sabihin,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, pinagsabihan siya ng PSG na bantayan na lamang ang kanyang pagkatao.
Nais kasi ng Pangulo na magpakita man lang sana sa mga tao.
“So yan, as soon as I am able to move around… ganito kasi yan ang problema ko, pinagbawalan ako ng nagbabantay sa akin, PSG, lahat, duktor, hindi ako makalabas. Sabi ko naman magpakita pako sa mga tao man lang, sabi nila, bantayan yung pagkatao ko kasi ako yung presidente, sabi ko hindi na bali tuta meron namang Vice Presidente,” pahayag ng Pangulo.
Paliwanag pa ng Pangulo, kung hindi man niya nadalaw ang mga nabiktima ng bagyo, hindi ito nangangahulugan na dumitistansya siya.
“So, ganun ho ang sitwasyon, it’s not that I am at a distance from you, na may distansya ako ngayon sa inyo. Gusto kong pumunta doon, makipaglangoy nga sa inyo, ang problema pinipigilan ako, kasi raw pag namatay ako isa lang ang presidente. Ang sabi ko eh may vice president naman, wala naman silang sinasagot. Nagtitinginan lang sila, tapos hindi ka puwedeng mamatay nitong panahon na ito. Kung malunod ka, malulunod kaming lahat na nagtatrabaho sayo,” pahayag ng Pangulo.
Hindi na aniya bale kung matamaan man siya ng COVID-19.
“Well anyway that is the fortune of our lives. We want to be of help. We have to be near and we want to share the grief, and we want to share the agony. So, hindi na bale, kung matamaan ako ng Covid-19, kung makalusot ako, ikukwento ko na lang sa inyo ang na-experience ko,” dagdag ng Pangulo.