37 barko, naserbisyuhan sa ilalim ng crew-change program sa Subic

SBMA photo

Dalawang buwan matapos makiisa sa crew-change program ng gobyerno, nasa kabuuang 37 barko ang naserbisyuhan sa Port of Subic.

Ayon kay SBMA Chairman at Administrator Wilma Eisma, ang naturang programa ay isang ‘direct response’ sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang maiiwan sa mga hakbang ng gobyerno para sa kaligtasan ng lahat ng Filipino at maasistihan ang mga apektado ng COVID-19 pandemic.

Nauunawaan aniya nila na ang crew change ay kailangan para sa kalusugan at kapakanan ng mga seafarer.

“And considering that around 80,000 Filipino seafarers with lapsed contracts are stranded aboard their ships, there is a lot to be done to ensure movement among seafarers, especially Filipinos, during this humanitarian and economic crisis,” pahayag nito.

Nagsimula ang operasyon ng crew-change hub sa Subic noong September 10, 2020 nang dumating ang limang Filipino seafarers na na-stranded nang tatlong buwan sa MV Dapeng Star, isang liquefied natural gas (LNG) tanker na nakabase sa Hong Kong.

Simula nang nasabing petsa, nakapagtala ang One Stop Shop (OSS) Subic ng 260 “off-signers” o inbound ship crew at 255 “on-signers” o outbound seafarers hanggang November 9.

Tiniyak naman ni SBMA Seaport Department manager Jerome Martinez na nagpapatupad ng mahigpit na health and safety protocols ang OSS Subic para sa naturang programa.

Sumasailalim ang lahat ng outbound at inbound seafarers sa RTC-PCR testing bago ang pag-alis sa Subic o bago ang pagdating sa Subic Bay International Airport.

“In case an on-signer tests positive, he is brought back point-to-point to Manila where he was swab-tested. Meanwhile, upon disembarking, off-signers are brought directly to the Subic-OSS for swab testing, after which they are transported to an isolation facility in Manila,” paliwanag ni Martinez.

Sinabi pa nito na sa nakalipas na dalawang buwan, isa pa lamang ang naging positibong kaso sa mga dumating na seafarer.

Read more...