Manila RTC Judge, patay sa sariling branch clerk of court; suspek nagpakamatay
Dead-on-arrival sa Manila Medical Center ang isang lady judge ng Manila Regional Trial Court habang dead-on-the-spot ang suspek na branch clerk of court matapos magbaril sa sarili sa loob ng Manila RTC Branch 45.
Kinilala ni Police Major Jhun Ibay, hepe ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team, ang nasawi na si Judge Maria Teresa Abadilla, 44 na taong gulang at presiding judge ng RTC Branch 45.
Nakilala naman ang suspek na si Atty. Amador Rebato Jr., 42 taong gulang at branch clerk of court ng nasabing hukuman.
Lumalabas sa imbestigasyon na nag-uusap ang dalawa sa chamber ng huwes na may kaugnayan sa performance ng suspek sa kanyang trabaho.
Base sa salaysay ng testigong si Juanito Reyes, legal researcher ng nasabing korte, plano ng suspek na magbitiw na sa kanyang trabaho.
Bago aniya ang insidente ay napansin na hindi mapalagay at nanginginig ang suspek habang tinatanong ng hukom.
Bigla na lamang nitong binaril sa ulo si Judge Abadilla saka binaril ang kanyang sarili.
Sinasabing nagkaroon din ng COVID-19 ang suspek na naging dahilan upang maapektuhan ang kanyang trabaho.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.