Sa banta na dala ng bagyong Ulysses, personal na nagsagawa ng inspection si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga kinauukulang opisina ng pamahalaang-lungsod para matiyak ang kanilang kahandaan.
Kinausap ni Calixto – Rubiano ang kanilang City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Health Office, Social Welfare and Development Office, Environment and Natural Resources Office at iba pang frontline office para matiyak na handa ang lungsod.
Tinanong ng alkalde ang mga namumuno sa frontline offices kung anu-ano ang kanilang mga pangangailangan para sa kanilang emergency preparedness.
Inusisa din nito ang kanilang rescue boats at ang kanilang Command, Control, Communication and Information Center, ang emergency management center ng lungsod.
Bukod dito, namahagi rin si Calixto – Rubiano ng ‘emergency kits’ sa mga maralitang residente ng Barangay 183 at 201.
Naglalaman ang bawat emergency kit ng flashlight, head lamp, life vest, sleeping bag, tent, Swiss knife, whistle at first aid kit.
Una nang nabigyan ng ‘emergency kits’ ang mga taga-Barangays 177, 451 at 184 at susunod pa ang mga residente sa gilid ng mga daluyan ng tubig sa lungsod.