Pang-aabuso ng mga franchisor sa kanilang mga franchisee, ipinahihinto ni Rep. Ong sa DTI
Kinalampag ni Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong ang Department of Trade and Industry (DTI) upang silipin at ipahinto ang ginagawang pang-aabuso ng mga franchisors sa kanilang mga franchisees.
Ayon kay Ong, ang isang fitness club chain na pinamamahalaan at pinatatakbo ng franchise agreements kung saan pinupuwersa ng franchisor na patuloy na magbayad sa kanilang franchise fees ang mga negosyo sa kabila ng matinding pagkalugi.
Ilang franchisees na ng fitness chain ang lumapit sa kanya para humingi ng tulong dahil hindi man lang sila binigyan ng pagkakataon na makabawi sa mga nawalang kita matapos na magsara nang ideklara ang nationwide community quarantine.
Maliban pa dito ay ilang franchisees na rin ang gustong magsara ng negosyo dahil hindi na kayang ipagpatuloy ang operasyon subalit ang mga ito ay inoobliga pa rin ng franchisor na magbayad ng buo sa kanilang franchise fees.
Batay sa mga franchisees ng fitness club chain, bago ang pandemic ay nagbabayad sila ng P250,000 hanggang P300,000 kada buwan pero simula July at pinagbabayad na sila ng 50% o P125,000 hanggang P150,000 kada buwan gayong hindi nila ito kakayanin dahil 30% lamang ang capacity na pinapayagan sa mga fitness clubs ngayon.
Kaugnay nito, kinondena ni Ong ang ginagawa ng mga franchisors na patuloy na paniningil sa mga franchisees kahit pa matinding naapektuhan ang mga ito ng pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.