Deficit spending sa susunod na taon, iminungkahi ni Rep. Salceda

Iginiit ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na dapat maging bukas ang bansa sa paggastos sa 2021 sa kabila pa rin ng patuloy na pagbagal ng ekonomiya bunsod ng epekto ng COVID-19 pandemic at community lockdown.

Sabi ni Salceda, dapat tataasan ang deficit spending sa 2021 upang matiyak ang tuluy-tuloy na pag-ikot ng ekonomiya.

Iminungkahi nito na maaaring manghiram muna sa future revenues para sa tax proposals na nauna nang napagtibay sa Kamara at Senado.

Pinalalakihan din ng kongresista ang fiscal space sa SAP 3 sa ilalim ng 2021 budget para sa mga mahihirap na Filipino.

Sa pagtataya ni Salceda, mapapanatili pa rin ang mabagal na ekonomiya sa huling bahagi o fourth quarter ng taon dahil naman sa sunud-sunod na kalamidad na tumama sa bansa.

Ibinabala ng ekonomistang mambabatas sa economic managers na bantayan ang posibleng pagbaba sa kita at household savings kaya dapat na maging bukas sa direct at universal cash transfer.

Tiwala ito na makakabawi rin ang ekonomiya ng bansa dahil inaasahang makakalikom ng hindi bababa sa P300 bilyon kada taon kapag naisabatas na ang tax measures nito.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority, bahagyang umangat sa -11.5 ang GDP ng bansa nooong 3rd quarter ng taon kumpara sa -16.9 noong second quarter.

Read more...