Pangasinan broadcaster, itinumba ng riding-in-tandem killers

By Jan Escosio November 10, 2020 - 04:40 PM

Patay ang isang broadcaster matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem killers sa labas ng kanyang bahay sa Villasis, Pangasinan Martes ng umaga (November 10).

Kinilala ang biktima na si Virgilio Maganes, 62-anyos, komentarista sa radio station dwPR at nagsusulat din sa Northern Watch, isang lokal na pahayagan.

Sinabi ni Police Maj. Christian Alucod, hepe ng pulisya ng bayan, kababalik lang ng biktima sa kanilang bahay mula sa isang tindahan nang pagbabarilin ito ng anim na beses bandang 6:30 ng umaga.

Agad namatay ang biktima sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.

Sinabi ng mga nakasaksi sa pangyayari, kapwa nakasuot ng black jackets ang dalawang salarin at magka-angkas ang mga ito sa isang Yamaha NMAX scooter.

Noong 2016, binaril na rin si Maganes ngunit nakaligtas at nakipag-ayos pa ito sa kanyang inireklamo.

Inaalam na ang motibo sa pamamaslang at inaalam na rin kung ang pagpatay kay Maganes ay may kinalaman sa unang pagtatangka sa kanyang buhay.

TAGS: Inquirer News, Maj. Christian Alucod, Radyo Inquirer news, riding in tandem, Virgilio Maganes, Inquirer News, Maj. Christian Alucod, Radyo Inquirer news, riding in tandem, Virgilio Maganes

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.