Sa halip na kuwestiyunin ang “size” ng delegasyon ng Pilipinas sa The Hague, Netherlands, dapat na tumuon na lamang daw sa “landmark endeavor” nito para sa sambayanang Pilipino.
Ito ang bwelta ng isang kongresista sa mga puna ni Atty. Harry Roque sa “dami” ng mga miyembro ng Philippine Delegation sa Permanent Court of Arbitration, sa Peace Palace sa The Hague, kaugnay sa mga pagdinig sa suliranin sa South China Sea.
Aminado Magdalo PL Rep. Ashley Acedillo na ang “size” ng Philippine Delegation at ang mga personalidad na bahagi nito ay “points of debate.”
Gayunman, mas makakabuti raw kung tumutok na lamang ang lahat sa responsibilidad na nakaatang sa delegasyon, at yan ay ang idepensa ang buong Pilipinas kontra sa mga pambubully ng China.
Giit pa ni Acedillo, ang trabaho ng Philippine Delegation ay isang pagsusumikap para sa buong bansa.
“While the size of the PHL delegation to The Hague is a point of debate, and an endless one at that, just focus on what the size and the level of the delegation’s personalities convey to the world: that this is a landmark endeavor for the country and one that is very important to all Filipinos,” text message ni Acedillo sa Radyo Inquirer.
Nauna nang kinuwestiyon ni Roque kung bakit umabot ng tatlumpu’t lima ang mga miyembro ng Philippine Delegation sa the Hague, gayung dalawa lamang daw sa mga ito ang oralists.
Dagdag pa ni Roque, sa halip na inilaan sa 35-member delegation ang milyong-milyong pondo, sana raw ay ibinigay na lamang ito sa mga magsasaka na apektado ng gulo sa Panatag Shoal.
Kabilang sa mga kasapi ng delegasyon ay top officials ng Executive, Legislative at Judiciary gaya nina House Speaker Feliciano Belmonte Jr., DFA Secretary Albert Del Rosario, Defense Secretary Voltaire Gazmin at Justice Secretary Leila De Lima./Isa Avendaño-Umali