Tropical Storm Ulysses bahagyang bumagal; TCWS No. 1 nakataas sa maraming lalawigan

Bumagal ang kilos ng tropical storm Ulysses habang papalapit ito sa landmass ng bansa.

Huling namataan ang bagyo sa layong 555 kilometers East ng Virac, Catanduanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometers bawat oras.

Mabagal ang kilos ng bagyo sa direksyong Northwest.

Nakataas na ang tropical cyclone wind signal number 1 sa sumusunod na mga lugar:

– Catanduanes
– Camarines Norte
– Camarines Sur
– Albay
– Sorsogon
– eastern portion ng Masbate (Aroroy, Pio V. Corpuz, Cataingan, Palanas, Uson, Dimasalang, Masbate City, Mobo, Baleno) kabilang ang Ticao at Burias Islands
– southeastern portion ng Quezon (Guinayangan, Tagkawayan, Buenavista, San Andres, San Narciso)
– Northern Samar
– northern portion ng Samar (Santo Nino, Almagro, Tagapul-An, Tarangnan, Calbayog City, Santa Margarita, Gandara, Pagsanghan, San Jorge, San Jose de Buan, Matuguinao)
– northern portion ng Eastern Samar (Maslog, Dolores, Oras, San Policarpo, Arteche, Jipapad)

Ayon sa PAGASA sa mga susunod na weather bulletin, mas maraming lugar pa ang isasailalim sa tropical cyclone wind signal.

Posible ding umabot sa hanggang tropical cyclone wind signal no. 3 ang itataas sa mga lugar na daraanan ng bagyo.

Ngayong araw, ang tail-end of a cold front ay magdudulot ng mahina hanggang sa katamtaman at kung misan ay malakas na buhos ng ulan sa Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, at Apayao.

Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na ulan na rin ang mararanasan sa Aurora, Quezon, Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region dahil sa bagyong Ulysses.

Mamayang gabi ay lalakas pa ang bagyo at magiging severe tropical storm.

Bukas ng umaga ay maaring umabot pa ito sa typhoon category.

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...