Bagyong Ulysses aabot sa Typhoon category; tatama sa kalupaan ng Bicol Region

Posibleng tumama sa kalupaan ng Bicol Region ang bagyong Ulysses sa darating na Miyerkules.

Ayon sa PAGASA, sa susunod na tatlong araw ay lalakas pa ang bagyo at aabot sa Tropical Storm category.

Pero bago ang pag-landfall nito sa Miyerkules ay aabot pa ito sa Typhoon category.

Huling namataan ang bagyo sa layong 800 kilometers East ng Surigao City, Surigao del Norte.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers bawat oras sa direksyong northwest.

Mamayang gabi o bukas ng umaga ay magtataas na ng Tropical Cyclone Wind Signal number 1 sa ilang bahagi ng Bicol Region o Eastern Visayas.

Sa magiging lagay ng panahon ngayong araw, makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at CALABARZON dahil sa easterlies at tail-end ng cold front.

Maulap na papawirin din na may kalat-kalat na pag-ulan ang mararanasan sa Bicol Region, Eastern Visayas at Caraga dahil sa trough ng Tropical Depression Ulysses.

 

 

 

Read more...