#SionyPH, napanatili ang lakas habang papalapit sa Batanes

Napanatili ang lakas ng Severe Tropical Storm Siony habang papalapit sa Batanes.

Batay sa huling severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 255 kilometers Silangan ng Basco, Batanes dakong 7:00 ng gabi.

Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 125 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-Kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.

Bunsod nito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal number sa mga sumusunod na lugar:

Signal no. 2:
– Batanes
– Babuyan Islands

Signal no. 1:
– Northern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Allacapan, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri, Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria, Santa Praxedes)
– Northern portion ng Apayao (Santa Marcela, Luna, Calanasan)
– Northern portion ng Ilocos Norte (Adams, Pagudpud, Bangui, Dumalneg, Burgos, Vintar, Pasuquin, Bacarra)

Patuloy na kikilos ang bagyo pa-Kanluran o Kanluran Hilagang-Kanluran simula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng hapon (November 6).

Ayon sa weather bureau, maaaring mag-landfall ang sentro nito o lumapit sa bisinidad ng Batanes, Biyernes ng madaling-araw (November 6).

Posible pang umabot ang bagyo sa ‘typhoon’ category sa susunod na 24 oras.

Inaasahan namang lalabas ang bagyo ng Philippine Area of Responsibility sa Biyernes ng hapon o gabi.

Babala ng PAGASA, Huwebes ng gabi, asahan ang kalat-kalat na mahina hanggang sa katamtaman na kung minsan ay mabigat na pag-ulan sa Pangasinan at ilang parte ng Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region dulot ng trough ng bagyo.

Katamtaman hanggang mabigat na buhos ng ulan naman ang mararanasan sa Visayas at Mindanao dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Moderate to heavy rains ang iiral sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa Bagyong Siony simula Biyernes ng madaling-araw.

Magiging maalon na rin sa western seaboards ng Central Luzon at eastern seaboards ng Visayas at Mindanao kung kaya inabisuhang huwag nang pumalaot ang maliliit na sasakyang-pandagat.

Samantala, huling namataan ang LPA sa layong 1,665 kilometers Silangan ng Visayas sa labas ng bansa.

Posibleng pumasok ng teritoryo ng bansa ang bagyo sa Biyernes ng hapon o gabi.

Sinabi pa ng PAGASA, maaaring maging Tropical Depression ang LPA sa susunod na 48 oras.

Read more...