Naniniwala si House Committee on Ways and Means chairman at Albay Rep. Joey Salceda na malaking bentahe sa Pilipinas lalo na sa ekonomiya kung si Joe Biden ang mananalo sa US elections
Ayon kay Salceda na isa ring ekonomista, muling magpapasigla sa ekonomiya ng Amerika ang Biden presidency na may positibong epekto sa bansa dahil ang Estados Unidos ay isa sa pinakamalaking trade partners, export markets at pinagmumulan ng investment ng Pilipinas.
Malaki rin anya ang tsansang magkaroon ng access sa Covid-19 vaccine ang Pilipinas dahil inaasahang ibabalik ni Biden ang magandang relasyon sa traditional allies ng US gaya ng Pilipinas.
Sa usapin ng international aid, malamang anyang ibalik rin ng Biden presidency ang pangunguna ng Amerika sa international development kaya may pagkakataong palakasin ang kooperasyon ng Pilipinas at US.
Pagdating sa pananalapi, sinabi ni Salceda na sasaluhin ni Biden mula kay Donald Trump ang US International Development Finance Corporation na may kapital na US$60 billion.
Inaasahan ng kongresista na mas agresibong gagamitin ito ni Biden kumpara kay Donald Trump na nakipag-kumpetensya sa Chinese investment at ayuda sa Pilipinas gayundin sa pangkalahatan sa ASEAN.