Extension sa suspension ng termination ng VFA iginiit ni Rep. Biazon
Hiniling ni House Committee on National Defense Senior Vice Chairman at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na palawigin pa ng pamahalaan ang extension ng pagsuspinde sa pagpapawalang-bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Ito ayon sa mambabatas ay upang magkaroon pa ng panahon ang gobyerno sa maaring negosasyon depende sa resulta ng US presiential election ngayong araw.
Paliwanag ni Biazon, maaring magkaroon ng pagbabago sa foreign policy ng Amerika kaya ang pagpapalawig ng suspension ng VFA abrogation ay oportunidad sa Pilipinas para makapag negosasyon ng mas maayos na kasunduan.
“Kung ie-extend lang natin ‘yong suspension, then we have the elbow room whether to later on push through with the termination or baka itong period na ito na magkaroon ng elections, it would become an opportunity for the Philippines to negotiate for terms that it deems better,” sabi ni Biazon.
Bukod dito, ang extension ng suspension ng pagpapawalang-bisa sa VFA ay magiging daan din upang magpasya ang Supreme Court sa petisyon para atasan si Pangulong Rodrigo Duterte na hingin ang pagsang-ayon ng Senado sa pagterminate ng VFA.
“Ang alam ko rin wala pang action ang Supreme Court whether to even issue an order to put everything in suspension. As I understand it, noong nag-issue ng suspension of termination ‘yong Philippine government, in effect ulit ‘yong VFA. In fact, last week lang nagkaroon ng meeting ang Mutual Defense Board. That is the body that usually makes plans for the joint activities of the Philippines and the United States under the VFA,” saad ni Biazon.
Dagdag ng mambabatas, posibleng nakaligtaan na ang pamahalaan na sa susunod na buwan ay expire na ang suspension dahil para lamang ito sa anim na buwan kaya kailangang magkaroon ng evaluation at assessment kung magpapatuloy ang bansa sa pagterminate ng VFA o kaya naman ay palawigin ang suspension ng termination.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.