PACC sa house leadership: Pagiging totoo sa SALN kasama sa ipinangako sa mga botante

By Dona Dominguez-Cargullo November 04, 2020 - 08:05 AM

Suportado ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Comissioner Greco Belgica ang naging hamon sa liderato ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco na isapubliko ang kanilang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay Belgica, obligasyon ng mga mambabatas na ipakita ang kanilang tunay na SALN upang malaman kung walang tinatago.

“Naniniwala ako hindi lang bilang Commissioner ng PACC kundi bilang isang Pilipino na isa yan sa ipinagako nila noong kampanya. Mas maganda na maging totoo sila sa tao,” pahayag ni Belgica.

Si Belgica ay una nang nagsiwalat na ilang miyembro ng Kamara na tumanggi pa niitong pangalanan, ang sangkot sa korupsyon sa pagitan ng mga DPWH officials, aniya, nagiging substandard o hindi nakukumpleto ang mga DPWH projects dahil 50% ng pondo ay napupunta sa corrupt activities.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PACC ay 10 hanggang 15% ang cut sa infrastructure projects ng mga kongresista habang may share din sa pondo ang mga District Engineers at Contractors.

Inamin ni Belgica na may mga ebidensya nang hawak ang PACC at kanilang tutukuyin ang mga sangkot na kongresista sa oras na masiumite nila kay Pangulong Rodrido Duterte ang report.

“makakaasa ang mga kababayan natin na uusad ang kaso at mananagot ang dapat”pagtiya pa ni Belgica.

Ang paglalabas ng SALN ay isa sa pinakamalaking hamon sa mga elected at government official, bagamat obligado ang mga nasa gobyerno na magsumite kada taon ng SALN ay hindi naman nailalabas ito, sa Kamara halimbawa, ang record ng SALN ay guwardiyado ng CCTV.

Hindi rin ganun kadali ang paghingi ng kopya nito, sa ilalim ng House Resolution 2467, sinumang nagnanais na magka-access sa SALN ng mga mambabatas ay dapat may final approval ng House Plenary.

Kaya nangangahulugan na bago pa man pumayag ang isang kongresista na ibigay ang kanyang SALN ay kailangan na ideliberate muna ito ng Committee on SALN Review and Compliance at aalamin sa requesting party ang dahilan at kung saan gagamitin ang SALN.

Panunumpaan din ng requesting party ang sworn undertaking at declaration portion na nagsasaad na kung saan lamang maaaring gamitin ang SALN sakaling pumayag ang komite na magbigay ng kopya.

Nabatid na mula 2019 mula nang mabalangkas ang bagong rules sa pagkuha ng SALN ay wala pang aplikasyon o nagrerequest ng SALN ng mga mambabatas.

Sa Kamara ay una nang boluntaryong naglabas ng SALN ang Makabayan Bloc bilang inisyatibo nito sa naging kautusan ni Pangulong Duterte sa Department of Justice(DoJ) na imbestigahan ang mga tiwali sa gobyerno, kaya naman ang hamon ni ACT Teachers Partlist Rep France Castro, sa ngalan ng transparency, ay ilabas din ng mga kapwa nya mambabatas ang kanilang SALN.

 

 

 

 

TAGS: house leadership, pacc, SALN, house leadership, pacc, SALN

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.