Palasyo, dinepensahan ang pagpili ni Pangulong Duterte kay Galvez bilang vaccine czar
Logistics at hindi medical challenge ang pagiging vaccine czar.
Pahayag ito ng Palasyo ng Malakanyang matapos italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si National Task Force against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez bilang vaccine czar.
Si Galvez ay isang retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at walang medical background.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kailangan ng managerial skills sa pagbili ng bakuna sa COVID-19.
Hindi naman kasi aniya sa Pilipinas gagawin ang pag-manufacture sa bakuna at aangkatin lang naman sa ibang bansa.
Sinabi pa ni Roque na ang medical issue sa bakuna ay kung ligtas ito bagay na kailangan nang tutukan ng Food and Drug Administration (FDA).
“simple lang po ‘yan, because the vaccine operation will entail logistics. Kinakailangan po talaga may managerial skills at sanay sa ganitong management processes. Hindi po kasi mama-manufacture ang vaccine dito sa Pilipinas, so kinakailangan angkatin yan mula sa lugar ng pagkakagawa, dalhin dito via cold storage facility by air tapos dito po istore ulit yan sa cold storage bago idistribute sa iba’t ibang lugar na gagamit din ng refrigarated vans. So it’s more of a logistics challenge than a medical challenge. Ang medical issue lang po na involved dito ay kung safe po yung vaccine, at yan naman po ay tututukan ng FDA. Bagamat may registration ng bakuna na makukuha sa kanilang home countries, kinakailangan pag-aralan pa rin po dito sa Pilipinas ng ating FDA,” pahayag ni Roque.
Sinabi naman ni Galvez na bagamat wala siyang medical background, tiwala naman siyang maayos na magagampanan ang bagong tungkulin.
May koneksyon na kasi aniya sa mga pulis at sundalo na una nang naatasan ni Pangulong Duterte na pangasiwaan ang pagbabakuna sakaling dumating na ito sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.