Pananamantala sa presyo ng bilihin sa mga palengke sa Maynila pinababantayan ni Mayor Isko Moreno
Inatasan ni Mayor Isko Moreno Domagoso si Market Administrator Zenaida Mapoy na tiyaking walang aabuso sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga pampublikong pamilihan sa Lungsod ng Maynila matapos ang pananalasa ng Bagyong Rolly.
Ito’y upang masiguro na makakakain nang sapat at masustansya ang bawat pamilyang Manileño sa gitna ng pandemya at kalamidad.
“I instructed Director Zenaida Mapoy, our Market Administrator, to make our public market available sa ating mga consumer at walang mag-aabuso sa presyo ng bilihin, yung hindi makatwirang presyo… ‘wag na nating pagsamantalahan ang kalugmukan ng tao. Umiral sa atin ang puso, pagmamahal sa isa’t isa at pang-unawa sa sitwasyon,” pahayag ni Mayor Isko sa isang Facebook live address.
“Nais naming patuloy kayong makakabili ng pangunahing bilihin, pagkain sa ating public market at pipilitin natin ito ay available as much as possible para nang sa gayon nayroon kayong access sa pagkain habang may bagyo,” dagdag pa ng alkalde.
Siniguro naman ng mga Market Masters na nangangasiwa sa 17 pampublikong pamilihan ng lungsod na mananatiling patas at abot-kaya ang presyo ng mga bilihin sa Maynila.
Magugunita na maraming agricultural products ang dinadala at ibinebenta sa mga pampublikong pamilihan sa Lungsod ng Maynila ay galing din sa ibang mga lalawigan sa Southern Luzon kabilang na ang Batangas, Quezon at Bicol na lubhang naapektuhan ng Bagyong Rolly.
Tuloy-tuloy din ang paglilinis at declogging ng Market Masters upang hindi magbara ang mga kanal ng palengke at maayos na makapamili ang mga Manileño.
Samantala, wala ring patid sa paglulunsad ng inspeksyon Veterinary Inspection Board (VIB) upang tiyakin ang kalidad ng mga produktong ibinabagsak sa lahat ng mga palengke sa lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.