Nakatakda nang sampahan ng kaso ng Office of the Ombudsman si Valenzuela City Mayor Rexlon Gatchalian at pitong iba pa kaugnay sa naganap na sunog sa Kentex Manufacturing Corporation na ikinasawi ng 74 na manggagawa.
Maliban kay Gatchalian, kakasuhan din si Kentex owner Ong King Guan, apat na opisyal Bureau of Fire Protection na sina City Fire Marshal Mel Jose Lagan, Senior Inspector Edgrover Oculam, Fire Safety Inspectors Rolando Avendan at Ramon Maderazo, OIC ng Business Permits and Licensing Office Renchi May Padayao at si BPLO Licensing Officer Eduardo Carreon.
Ang walo ay sasampahan ng multiple counts na paglabag sa Sections 3(e) at 3(j) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Reckless Imprudence resulting in multiple homicides and multiple physical injuries sa Sandiganbayan dahil sa naganap na sunog noong May 13, 2015.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, may sapat na batayan para mapanagot ang nasabing mga opisyal dahil naisyuhan ng business permits at Fire Safety Inspection Certificates ang Kentex sa kabila ng malinaw na paglabag ng kumpanya sa Fire Code.
Kabilang sa paglabag ng Kentex ang kabiguang maglagay ng wet standpipe system, hindi gumaganang fire extinguishers, kawalan ng automatic fire alarm at sprinkler system, at wala ring fire exit drills para sa mga manggagawa.
Sa isinumite ring affidavits ng mga empleyadong nakaligtas sa sunog, ang exit gates ng Kentex ay pawang nakakandado, at ang mga bintana ay sarado ng grills.
Noong 2014, napatunayan din sa isinagawang inspeksyon ng BFP Valenzuela na hindi sapat ang fire safety measures ng Kentex pero sa kabila nito, pinayagan pa rin ng City Hall na makapagpatuloy ito ng operasyon.