Mula nang maganap ang aksidente kahapon ng hapon sa Marcos Highway sa Masinag, Antipolo City, ngayong umaga lamang naialis sa lugar ang trak na sangkot sa aksidente.
Isa ang nasawi at walo ang sugatan sa nasabing aksidente matapos araruhin ng elf truck ang mga sasakyan at pasukin ang poultry store sa eastbound lane sa bahagi ng Marcos Highway-Masinag Market.
Dahil sa nasabing aksidente, isinara ang bahagi ng nasabing lansangan dahilan para magdulot ng matinding traffic at karamihan sa mga apektadong pasahero ay naglakad na lamang.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kaninang alas 5:05 ng umaga ay tuluyan nang naialis sa lugar ang trak na nasangkot sa aksidente na nagmistulang lata na nayupi.
Nilinis na rin ang mga debris na kumalat sa kalsada mula sa iba pang sasakyang binangga ng trak at mula sa poultry store. Nagsagawa ng flushing ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) para maalis ang mga buhangin at langis na kumalat sa Marcos Highway.
Nasawi sa nasabing aksidente ang tindero ng tindahan ng poultry suplay at kasama sa mga nasugatan ang driver ng trak matapos maipit sa minamaneho niyang sasakyan.