4 pulis Maynila, inireklamo ng pangingikil sa isang negosyante

 

Inquirer file photo

Apat na pulis ang nahaharap sa mga kasong ikatatanggal nila sa serbisyo dahil sa pangingikil ng P10,000 sa isang negosyante sa loob pa mismo ng patrol car sa Sta. Ana, Maynila.

Tinukoy ni SPO1 Ed Toledo ng Manila Police District (MPD) ang mga akusado na sina PO2 Rodel Coronel, at PO1s Errold Garcia, Kenneth Campos, at Peter Galit.

Sa reklamo ng biktimang si Mark Anthony Tan, sinabi niyang nakasakay siya sa motorsiklo nang parahin siya ng mga pulis na nagpapatrol sa may Gabbys street, dakong alas tres ng hapon ng Linggo dahil sa hindi pagsu-suot ng helmet.

Nag-alok si Tan na magbayad ng P200 para sa pagkakamali, ngunit hindi ito tinanggap ng mga pulis matapos makita ang mga dala niyang metal scraps.

Sinabi pa ni Tan na ininspeksyon pa ng mga pulis ang kaniyang mga gamit at nang nakita ng mga ito na mayroon siyang P50,000 na cash, hiningan siya ng P10,000 ng mga ito para palayain siya.

Aniya, tinakot pa siya ng mga akusadong pulis na babarilin kung hindi niya ibibigay ang hinihinging halaga.

Nagkaharap naman si Tan at ang mga pulis sa MPD general assignment section pagdating ng Lunes.

Hindi na itinuloy ni Tan ang pagsasampa ng kaso, ngunit si Toledo mismo na ang magsasampa ng mga kasong administratibo laban sa mga pulis.

Read more...