Hindi tulad ng mga nakalipas nilang laro, tiniyak na ng Alaska Aces na hindi sila masyadong kakabahan sa paghaharap nila ng Phoenix Super LPG.
Sa iskor na 105-97, tinalo ng Aces ang Super LPG para mapalapit na sa quarter finals sa 2020 PBA Philippine Cup bubbles sa AUF Sports Arena sa Angeles City.
Sumandig ang Alaska sa beteranong si Vic Manuel na kumamada ng 24 puntos.
Unang nakaarangkada ang Phoenix at nakapagtatag ng 14 puntos na kalamangan ngunit nabura rin ito ng Alaska para naman sa sariling double-digit na kalamangan.
May mga pagkakataong inaangal na ni Coach Topex Robinson ang sobrang depensa sa nagbalik na si Calvin Abueva, na sa kanyang ikalawang laro matapos ang mahigit isang taon na suspensyon ay nakagawa pa ng 18 puntos laban sa kanyang dating koponan.
Gumawa naman ng 21, 13 at 12 puntos sina Mike DiGregorio, JVee Casio at Rob Herndon, samantalang bagamat huli nang nag-init ang kanyang mga kamay, pinangunahan pa rin ni Matthew Wright ang Phoenix sa kanyang 27 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.