NPA, nag-aalok ng ‘discount’ sa mga mangangampanyang kandidato sa Quezon
Nag-aalok na ng ‘discount’ ang New People’s Army sa mga lokal na kandidato sa lalawigan ng Quezon sa pagbabayad ng ‘permit to campaign fee’ o PTC sa mga rebelde.
Ayon kay Brig. General Erick Parayno, commander ng 201st Infantry Brigade na nakabase sa Lucena City, nakakatanggap sila ng impormasyon na may ‘group discount’ nang ibinibigay ang rebelde sa mga political parties na ‘isang buhos’ nang magbabayad ng kanilang permit to campaign fee.
Bilang patunay aniya, may isa nang kandidato sa pagka-konsehal ang kinumpirmang tumanggap ito ng demand letter mula sa nagpakilalang NPA.
Ayon pa sa liham, maaaring makakuha ng diskwento ang lahat ng kandidato ng kanilang tiket kung gagawing-‘one-time, big-time’ ang bayad ng PTC.
Dagdag pa ni Parayno, Bukod sa PTC, humihingi rin umano ng ‘revolutionary tax’ ang mga rebelde sa lalawigan.
Dahil aniya sa harassment ng NPA, may ilang kandidato na aniya ang humihiling sa kanila ng military at police protection.
Gayunman, nilinaw ng heneral na hindi sila maaring umaktong bodygurds ng mga nais tumakbo sa lokal na halalan.
Sa halip, handa aniya ang militar na ‘i-clear’ ang mga campaign site kontra sa mga rebelde upang ligtas na makapangamanya ang mga ito.
Sa March 25, magsisimula na ang campaign period sa lokal na eleksyon na magtatapos sa May 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.