Posibleng sa Abril na simulan ang mga pag-uusap ng mga oil producing countries tungkol sa global oil freeze, o ang pagli-limita ng dami ng produksyon ng langis para makontrol ang presyo nito.
Ayon kay Russian energy minister Alexander Novak, pinag-uusapan pa kung saan ito gaganapin, pero malamang na ganapin ito sa Abril.
Una nang sinabi ni Novak na ang nasabing pagpupulong ng mga miyembro ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) ay maaring ganapin sa pagitan ng March 20 hanggang April1.
Nagpahayag na rin ang mga bansang Russia, Saudi Arabia, Venezuela at Qatar noong nakaraang buwan na handa silang mag-freeze ng kanilang output kung ganoon din ang gagawin ng ibang oil-producing countries.
Ayon naman kay Novak, baka hindi muna isasama sa pulong ang Iran para makabawi ito sa kanilang produksyon ng krudo lalo’t kaka-alis lamang ng mga sanctions sa kanila kaugnay sa nuclear program na ginagawa nila.
Gayunman, kung maabot na ng Iran ang kanilang ‘pre-sanction’ production level, maari na rin silang sumama sa freeze.
Matatandaang dumire-diretso ang pagbagsak ng presyo ng langis na aabot sa 60 percent mula noong mid-2014 dahil sa oversupply.